
(Article published in Tinig Loyola, Students Publication of Loyola School
of Theology Vol. 5 No. 1 October 2003)
Carlo Carmelo Cruz, CMF lives in Claret Theology House, 526 Tandang Sora Ave.
Quezon City, Philippines. Tel. (632) 931-9820 He will be happy to hear from
you.
Sa panahong ito, ang lahat ay dapat
magpakatatag, at huwag magpadaig sa buyo ng kasamaan. “Habang may buhay, may
pag-asa.,” sabi pa nga ng isang sikat na kasabihan. Bakit hindi na lang natin
subukang pagtuunan ng pansin ang mga pari at relihiyosong nanatiling tapat sa
kanilang sinumpaang pangako? Sila nawa ang magsilbing inspirasyon sa ating
buhay sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga lingkod-simbahan na nabulid na sa
tentasyon. Ito ang mga pinakatatagong lihim na nakita ko sa mga paring
nanatiling tapat sa buhay na ito:
— Mahalagang mulat tayo na ang Diyos ang tumawag sa atin. Hindi
dahil gusto ng ating magulang o ng ibang tao kaya tayo naririto.
Mahalaga ang lubos na pagkilala sa sarili — Mahalagang alam natin
ang ating sarili at kung ano ang gusto nating mangyari sa ating buhay. Mahalaga
rin na may sapat na kaalaman tayo sa ating kalakasan at kahinaan ng sa gayon
mas makita natin kung paano natin matutulungan ang ating sarili at payayabungin
pa ang mga magandang nasimulan. Mulat tayo sa mga pagbabagong nangyayari sa
ating buhay, at laging nakasubaybay sa mga maari pang mangyari.
Masaya at gusto ang buhay na pinili
— Mahalaga sa buhay na ito na alam mo ang landas na tinahak
mo. May
sapat kang kaalaman at may pagkahanda kang harapin ang mga problema na maaring
dumating. At higit sa lahat ito ay gusto mo at masaya ka sa pagpiling iyong
ginawa. Mahalaga na ikaw ang pumili at hindi ang ibang tao ang nagdesisyon para
sa iyo.
Ang pagtugon ng “OO”
— Ang “oo” na isinambit noong ika’y sumagot sa Kanyang paanyaya
ay dapat maging regular. Hindi taunang pananariwa ng mga panata.
Dapat ito binibigkas ng taos sa puso araw-araw.
Isaalang-alang ang pagiging tao — Dapat lagi nating
isa-puso at isa-isip na tayo ay tao at mananatiling tao, mahina at
nangangailangan ng lakas at tulong mula sa Diyos. Wala tayong magagawa kung
wala Siya sa ating buhay. Ang Diyos lang ang makatutulong sa atin para
malampsan at magapi ang mga pagsubok na maaring dumating.
Gawing pamantayan ang buhay ni Hesukristo
— Tayo ay nanatiling tao na nagnanais sumunod kay Hesukristo,
marapat lang na ating gawing pamantayan ang buhay ni HesuKristo. Talikdan ang
ugali ng mundong ating kinagagalawan gaano man itong mang-akit at magpatuloy na
iwaksi ang mga bagay na maaring tumaliwas sa buhay na ating tinatahak.
Pagsasabuhay ng sinumpaan
— Hindi lang nakikita ang pagiging isang tunay na
relihiyoso/pari sa kanyang sinumpaang pagtalima, pagdaralita at kalinisan
(obedience, poverty and chastity). Sa halip, ito ay nakikita kung paano niya
isinasabuhay ang kanyang sinumpaan ng buong katapatan at pagmamahal.
Pagsunod kay Kristo sa maliit at simpleng bagay
— Mahalaga ring isa-alang-alang ang iyong pagmamahal sa iyong
ginagawa. Sa puntong ito, ang pagmamahal sa pagsunod kay Kristo ay makikita sa
pamamagitan ng iba’t-ibang gawain sa “loob”(pag-aaral, pagdarasal, apostolado
at iba pa).
Sa ngayon, ito ang ating dapat gawin para maiwasan ang mga
pangyayaring dala ng krisis. Ito ay malaking paanyaya para sa mga gustong
magpatalaga ng buhay sa Panginoon. Sa mga lihim na ito, muli akong nabubuhayan
ng loob at muling balikan ang tanong sa aking sarili kung ito ba ang buhay na
gusto kong tahakin. Ngayon masasabi ko na “oo”, ilang iskandalo man ang
dumating, ang aking “oo” ay mananatiling naka-angkla sa Diyos. Totoong mahirap
tumugon sa ganitong panahon pero kung patuloy ang pagtitiwala, lahat ay
magiging posible. Lubhang mahirap ang buhay na ito, hindi rin ito biro. Subalit
lagi na lang natin isaalang-alang na sa lahat ng paghihirap na ito ay kasama
natin Siya. Sa bawat pagkadapa ay may katumbas na pagbangon. Unos o bagyo man ang
dumating, ito ay huhupa rin. Sa pagsapit man ang dilim, liwanag ay sisikat rin.
Matapos man ang ngayon, may bukas pang darating.